Pinasususpinde muna ni Ako Bicol Partylist Rep. Alfredo Garbin ang recruitment ng mga bagong kadete sa Philippine Military Academy (PMA).
Para kay Garbin, malinaw na may pagkakamali at problema sa sistema ng PMA na dapat na itama ngayon na.
Patunay aniya dito ang 27 pang naitalang kaso ng maltreatment at iba pang pangaabuso sa mga plebo at kadete sa loob ng akademya matapos ang pagkamatay ni Cadet 4th Class Darwin Dormitorio.
Hiniling din ng kongresista na alisin ang paniniwala sa akademya na mahalaga ang hazing para sa paghubog ng mga magtatanggol sa bansa.
Aniya pa, hangga’t hindi nasisiguro ng mga magulang na ligtas ang kanilang mga anak ay dapat na ihinto muna ang recruitment sa loob ng isang taon.
Iminungkahi rin ni Garbin na pangunahan ng Judge Advocate General ng AFP ang cleansing sa PMA at ang pagkakaroon ng oversight ng Kongreso na kakatawan sa mga magulang, kapamilya at mga kaibigan ng mga PMA cadets upang matiyak ang pag-alis ng karahasan sa akademya.