Recto Vape Bill, ikinaalarma ng mga health advocate

Naalarma ang mga health advocate sa Senate Bill No. 1951 na inihain ni Senador Ralph Recto noong Disyembre 14 na naglalayong ibaba sa 18 anyos ang ligal na edad para sa pagbili ng vape at heated tobacco products mula sa kasalukuyang 21 anyos.

Ayon kay Ralph Degollacion ng Health Justice Philippines, salungat sa batas ang panukalang ito at maging sa Executive Order na nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte na nagtatakda na ang mga 21 anyos pataas lamang ang makakabili ng mga produktong vapes at heated tobacco products.

Paliwanag pa ni Degollacion, nais ng panukalang batas na baliktarin ang nais ng Pangulo at gawing mas madaling gamitin ang vapes sa mga pampublikong lugar.


Pinapayagan kasi ng Recto Vape Bill ang pag-vape sa mga lugar na idineklara na ng Pangulo na 100% vape free at smoke free.

Giit ni Degollacion, nakakaalarma umano ito sa napakaraming kadahilanan.

Isa na rito ang mahirap at nakakalitong implementasyon dahil magkakaroon ng magkaibang panuntunan sa dalawang magkatulad na produkto at sisirain nito ang kasalukuyang implementasyon ng Philippine National Police (PNP) sa Executive Order ng Pangulo.

Facebook Comments