Isinusulong ng isang kongresista sa Kamara ang panukala na magpapakilos sa mga producer na maging responsable lalo na sa kanilang plastic products at packaging.
Sa House Bill 8691 na inihain ni Deputy Speaker at Las Piñas Representative Camille Villar, inirerekomenda nito na ilipat sa mga producer ang recycling costs mula sa mga consumer na magiging bahagi ng kanilang Extended Producer Responsibility (EPR) upang mitaguyod ang zero waste lifestyle.
Nakasaad sa Extended Producer Responsibility Act of 2021 na ang mga producer o manufacturer ang may responsibilidad na sa kanilang mga produkto tulad ng take-back o pagpapabalik sa mga consumer ng plastic packaging o lalagyan na ginamit sa produkto, pag-recycle at tamang disposal o pagtatapon nito.
Naniniwala ang kongresista na makatutulong ito para mabawasan ang problema sa basurang dulot ng paggamit ng single-use plastics.
Ayon kay Villar, bagama’t ito ay magiging bagong konsepto sa ating bansa, ito naman ay matagal nang practice o ginagawa ng maraming organisasyon sa buong mundo.
Layunin ng panukala na bigyan ng benepisyo o insentibo ang mga kumpanyang makasusunod sa extended producer scheme habang mapaparusahan naman ang mga manufacturers na magpapabaya sa kanilang responsibilidad.
Dagdag pa ni Villar, makatutulong din ang programang ito para makatipid ang mga lokal na pamahalaan sa malaking pondong inilalaan sa solid waste disposal, at ang matitipid na pera ay maaaring ilaan sa ibang programa ng publiko.