Recycling ng droga at pagpapatuloy ng operasyon nito sa NBP, muling lumutang sa pagdinig ng Senado

Isa si Baguo City Mayor at Dating Criminal Investigation and Detection Group o CIDG Chief Retired General Benjamin Magalong na humaharap sa pagdinig ngayon ng Senado ukol sa mga anomalya sa Bureau of Corrections at New Bilibid Prison.

Sa pagdinig ay iginiit ni Magalong na patuloy pa rin ngayon ang transaksyon kaugnay sa ilegal na droga na nagaganap sa bilibid.

Sabi ni Magalong lahat ng operasyon ng ilegal na droga sa buong bansa ay tumutumbok sa Bilibid.


Pinatotohanan din ni Magalong na patuloy na recycling ng ilegal na droga o agaw-bato scheme kung saan may kinalaman ang ilang matataas na opisyal ng Philippine National Police na handa niyang pangalanan sa isang executive session.

Kwento ni Magalong, hindi lahat ng nasasabat na ilegal na droga ay idinideklara ng ninja cops, dahil kalahati o mas malaking bahagi nito ay tinatago nila sa rest house nila at ibinebenta ng mas mababa sa merkado.

Ayon kay Magalong ang nahuhuling Chinese drug lord naman ay ipapatubos ng hanggang 50-million pesos sa pamilya nito at huhuli sila ng ibang Chinese national na papalabasin nilang nasa likod kunwari ng ilegal drug syndicate.

Binanggit din ni Magalong ang paghahati-hati sa mga drogang nasasabat sa mga raid sa drug laboratory na ilalagay nila sa iba pang mga lugar para palabasin na kunwari karaming laboratory ang sinalakay at tagumpay talaga ang anti-drug campaign ng pamahalaan.

Sa pagdinig ay muling nabanggit ni Magalong ang raid na isinagawa noon sa bilibid na pinangunahan ni Senator Leila de Lima bilang dating Justice Secretary.

Ayon kay Magalong hanggang ngayon ay hindi niya pa rin maunawaan kung bakit biglang inalis ni de Lima ang CIDG sa pagsasagawa ng raid kahit kasama sila sa pagpaplano at sa halip ay isinama sa raid ilang pesonalidad na sa tingin niya ay kahinahinala.

Facebook Comments