
Itinaas na ng Regional Disaster Risk Reduction and Management Council–Emergency Operations Center (RDRRMC-EOC) ng Bicol ang alert status nito sa Red Alert matapos ang patuloy na pag-aalburuto ng Bulkang Mayon.
Dahil sa pagtaas ng aktibidad ng bulkan nitong mga nagdaang araw, pinaalalahanan ni Office of Civil Defense Assistant Secretary Bernardo Rafaelito R. Alejandro IV ang mga miyembro ng response clusters na tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga apektadong residente.
Kasama rin dito ang sapat na pagtugon sa mga pangunahing pangangailangan ng mga evacuee at ang kahandaan sakaling itaas pa sa Alert Level 4 ang status ng bulkan.
Sa kasalukuyan, nananatili sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, habang mahigit 900 pamilya o katumbas ng mahigit 3,000 indibidwal ang pansamantalang nanunuluyan sa mga evacuation centers.
Inilikas na rin ang mga residenteng nasa loob ng anim na kilometrong Permanent Danger Zone bilang bahagi ng mga hakbang sa pag-iingat.
Kaugnay nito, inatasan ni Alejandro ang mga pangunahing ahensya na ihanda na ang kani-kanilang action plans, at hinimok ang publiko na makipagtulungan at sundin ang mga abiso ng pamahalaan para sa kanilang kaligtasan.
Samantala, activated na rin ang Regional Inter-Agency Coordinating Cell upang masiguro ang mabilis at maayos na koordinasyon sa lahat ng response activities kaugnay ng sitwasyon sa Bulkang Mayon.










