Red Alert Status, itinaas na ng AFP; buong tropa, ipinakilos na para rumesponde sa Super Typhoon Uwan

Nakataas na sa Red Alert Status ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at pinakikilos na rin ang mga disaster response unit nito para rumesponde sa mga agarang tulong, rescue operations, at pagdadala ng mga relief item sa mga komunidad na naapektuhan ng Super Typhoon Uwan.

Nasa kabuuang 243 Search, Rescue, and Retrieval Teams ang idineploy ng hukbong sandatahan sa mga lugar sa bansa, partikular na sa Hilaga at Gitnang Luzon kung saan mas mataas ang tyansa ng pinsala.

Ang mga nasabing grupo ay binubuo ng nasa 1,500 na mga personnel na pinangungunahan ng Northern Luzon Command (NOLCOM) kasama ng iba pang units ng AFP at mga local disaster response agencies.

Kaugnay nito nasa kabuuang 81 land assets naman ang kasalukuyan pinapakilos para sa on going Humanitarian Assistance and Disaster Response o HADR.

Samantala, nakahanda na rin ang mga standby at karagdagang assets para sa rescue, relief, and recovery operations.

Sa ngayon, patuloy ang isinasagawang koordinasyon ng AFP sa Office of Civil Defense (OCD) at mga local na Disaster Risk Reduction and Management Councils (DRRMC).

Facebook Comments