Red at Yellow Alert status sa Luzon grid, pinalawig pa ng NGCP

Pinalawig ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) ang Red at Yellow Alert Status sa Luzon grid ngayong araw.

Sa isang advisory, nakataas ang Red Alert Status mula alas-1 ng hapon hanggang alas-4 ng hapon at muling ipatutupad mula alas-6 ng gabi hanggang alas-10 ng gabi.

Habang, Yellow Alert naman ang iiral mula alas-12 ng tanghali hanggang alas-1 ng hapon, alas-4 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi, at alas-10 ng gabi hanggang alas-12 ng hatinggabi (Mayo 30).


Ayon sa NGCP, ang pagpapalawig ng mga alert status ay dahil sa deration ng Sual 2, Ilijan A at B power plants, at pagtaas ng inaasahang demand.

Samantala, inalis na ng NGCP ang Yellow Alert status sa Visayas grid kaninang ala-1 ng hapon dahil sa pagbaba ng inaasahang demand sa kuryente.

Sa kasalukuyan, mayroon nang sapat na reserbang kuryente ang Visayas grid, na may available capacity na 2,886MW at peak demand na 2,490MW.

Matatandaang idineklara ang Yellow Alert status sa Visayas grid kaninang umaga dahil sa inaasahang pagtaas ng demand at posibleng kakulangan ng supply.

Facebook Comments