
Pormal nang humiling ang National Bureau of Investigation (NBI) sa International Criminal Police Organization (Interpol).
Ito’y para mag-isyu ng red notice laban kay dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager at dating Police Colonel Royina Garma ang itinuturong mastermind sa Barayuga slay case.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, nagpadala na sila ng liham sa Interpol pero ilang buwan pa umano ang itinatagal nito bago mailabas ang red notice.
Hindi pa rin sumasagot si Garma sa iniwan niyang contact number sa NBI bago magpunta sa Malaysia para umano makipagkita sa mga opisyal ng International Criminal Court (ICC).
Pero mula sa cannot be reached, sinabi ni Santiago na nag-ri-ring na ngayon ang contact number ni Garma na una na raw nangako na uuwi kung mayroon na siyang arrest warrant.
Matatandaang inisyuhan na ng arrest warrant at pinakakansela na ng Branch 279 ng Mandaluyong Regional Trial Court ang pasaporte ni Garma at apat na iba pang idinadawit sa krimen.
Samantala, sa huling impormasyon ng ahensya, nasa Malaysia pa rin si Garma kasama ang ipinakilala niyang pinsan.









