Manila, Philippines – Itinanggi ng ilang unibersidad ang alegasyon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na sangkot ang kanilang institusyon sa pagre-recruit ng mga mag-aaral na mag-aaklas laban kay Pangulong Rodrigo Duterte.
Matatandaang inilabas ng AFP ang listahan ng mga unibersidad sa Metro Manila dahil sa nire-recruit ng mga rebeldeng komunista ang mga estudyante nito para sa ‘Red October ouster plot’.
Kabilang sa mga unibersidad na pinangalanan ay ang:
– University of the Philippine (Manila at Diliman campus)
– Polytechnic University of the Philippines (Sta. Mesa campus)
– Ateneo de Manila University
– De La Salle University
– University of Santo Tomas
– Adamson University
– Far Eastern University
– University of the East (Recto at Caloocan campus)
– Adamson University
– Emilio Aguinaldo College
– Earist-Eulogio Amang Rodriguez
– San Beda University
– Lyceum University
– University of Makati
– Caloocan City College
– University of Manila
– Philippine Normal University
Ayon kay U.P. System Vice President for Public Affairs Jose Dalisay Jr. – gusto nilang makita ang buong report ng AFP.
Sabi naman ni UST Secretary General, Fr. Jesus Miranda Jr. – posibleng iniisip agad na kontra sa administrasyon ang pamantasan dahil isa lamang itong Catholic university.
Para naman kay DLSU President at dating Education Secretary Armin Luistro – dapat nagsagawa muna ang AFP ng dayalogo sa mga unibersidad at beripikahin ito bago nila inilabas ang listahan.
Pinabulaanan din ni UMAK President Tomas Lopez ang akusasyon ng AFP.
Pero depensa ni AFP Deputy Chief of Staff for Operations, Brig/Gen. Antonio Parlade Jr – posibleng hindi alam ng pamunuan ng mga paaralan ang nangyayaring recruitment sa kanilang mga estudyante.
Idinadaan ang pagre-recruit sa pamamagitan ng paglalabas sa mga dokumentaryo tungkol sa martial law at i-uugnay sa pamumuno ni Pangulong Duterte.
Sa ngayon, wala pang tugon ang iba pang kolehiyo at pamantasan.