RED OCTOBER | PNP makikipag-ugnayan sa mga kolehiyo at unibersidad

Manila, Philippines – Kumikilos na ang Philippine National Police (PNP) para maprotektahan ang mga mag-aaral maging mga kolehiyo at unibersidad sa Metro Manila na sinasabing pinasok na ng CPP-NPA.

Sa ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP) bahagi ng Red October plot ng mga komunista ang pagpasok sa 19 na kilalang colleges at university sa Maynila na layong pabagsakin ang administrasyong Duterte.

Ayon kay PNP Spokesperson Police Chief Superintendent Benigno Durana, makikipag-ugnayan sila ngayon sa University of the Philippines (UP) Diliman, UP Manila, Polytechnic University of the Philippines Sta. Mesa; Ateneo de Manila University, Dela Salle University, University of Sto. Tomas, Adamson University, Far Eastern University, University of the East Recto at Caloocan para matulungan ang mga ito na hindi mapasok ng CCP-NPA.


Makikipag-ugnayan din ang PNP sa counterpart nila sa AFP para malaman ang lawak ng sinasabing recruitment.

Diskarte umano ng mga CPP-NPA ang paglason sa isip ng mga mag-aaral sa pamamagitan ng pagpapanood ng documentary ng martial law sa panahon ng rehimeng Marcos at sasabihing si Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong Marcos.

Facebook Comments