Pinapaimbestigahan nina Senators Nancy Binay, Leila de Lima, Franklin Drilon, Sherwin Gatchalian, Risa Hontiveros, Kiko Pangilinan, Grace Poe at Senate President Pro Tempore Ralph Recto ang profiling at red-tagging sa mga organizers ng community pantry sa iba’t ibang panig ng bansa.
Kinokondena rin ng nabanggit na mga senador ang social media post ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na nag-uugnay sa organizer ng mga community pantry sa CPP-NPA-NDF.
Giit ng walong senador, magsagawa ng dayalogo at ihinto na ang profiling sa organizers ng community pantry dahil ilalagay nito sa panganib ang kanilang buhay gayong hangad lang naman nila ang tumulong sa kapwa.
Sabi pa ng mga senador, baka maging ang pamilya, ilang kamag-anak at kakilala ng mga otoridad ay pumipila rin sa mga community pantry at naramdaman ang kabutihan ng kanilang kapwa Pilipino.
Diin ng mga senador, ang kagutuman ang problema ngayon kaya dapat ay hikayatin ang anumang uri ng pagtulong ng pribadong mamamayan.
Hiling ng mga senador sa halip na pahirapan, pagbawalan at ipasara, ay makabubuting tulungan na lang ng Philippine National Police (PNP) ang mga local government units na siguraduhing napapatupad ang minimum health protocols sa mga community pantry.