Red-tagging at pagpapakalat ng maling impormasyon laban sa mga hukom, dapat nang wakasan ayon sa isang eksperto

“Itigil na ang red-tagging”

Ito ang naging pahayag ni Lyceum of the Philippines University College of Law, Dean Atty. Soledad Mawis kasunod ng nagaganap na pang-re-red tag laban sa mga hukom.

Kabilang dito ang pagbabanta ni NTF-ELCAC Spokesperson Lorraine Badoy laban kay Manila Regional Trial Court Presiding Judge Marlo Malagar, nang ibasura nito ang petisyon ng gobyerno na ideklara ang Communist Party of the Philippines (CPP) at New People’s Army (NPA) bilang teroristang organisasyon.


Bagama’t hindi nagbigay ng komento si Mawis hinggil sa nasabing isyu dahil nakabinbin pa aniya ito sa korte, ay siniguro niya na lahat ng desisyon ng hukom hinggil sa isang kaso ay nakabatay sa ebidensyang inihaharap sa mga ito.

Dagdag pa niya, maaaring idaan na lamang sa proseso ang pagkwestyon sa desisyon ng hukom, sa halip na paratangan ito.

Bukod sa red-tagging, nanawagan din si Mawis na itigil na ang pagpapakalat ng maling impormasyon dahil lubhang delikado ito sa kaligtasan ng maaapektuhang indibidwal, maging ng pamilya nito.

Una rito, nagbabala kamakailan ang Korte Suprema na ang sinumang mananakot sa mga miyembro ng Hudikatura at kanilang mga pamilya ay maaaring mahatulan sa korte.

Facebook Comments