Maaaring maging basehan sa paggawad ng Writ of Amparo ang red tagging, vilification o mapang-abusong pahayag, labelling, at guilt by association.
Ito ang idineklara ng Korte Suprema kasunod ng pagbaliktad sa desisyon ng Iloilo Regional Trial Court na ibasura ang Writ of Amparo ni dating Bayan Muna Rep. Siegfrid Deduro.
Ang Writ of Amparo ay proteksiyon na iginagawad sa mga indibidwal na nakararanas ng banta o paglabag sa kanilang karapatang pantao.
Nag-ugat ito nang ireklamo ni Deduro ang ilang sundalo ng red tagging noong 2020 nang akusahan siyang miyembro ng CPP-NPA.
Ilang poster din ang ipinakalat sa Iloilo City na nakapaskil ang larawan ni Deduro na binansagang kriminal, terorista at miyembro ng mga komunistang grupo.
Sa desisyon na pirmado ni Associate Justice Rodil Zalameda, nakasaad na may mga ebidensya ng red tagging sa dating kongresista kahit pa ibinasura ito noon ng RTC.
Sinabi ng Supreme Court na maaaring malagay sa alanganin ang seguridad at buhay ng isang biktima ng red tagging.
Sa ngayon, itinuturing nang harassment ng ilang international organization ang red tagging.