Isinulong ni opposition Senator Leila de Lima ang imbestigasyon ukol sa red-tagging ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa University of the Philippines (UP) alumni.
Ginawa ito ni De Lima, makaraang matuklasan na mali-mali ang mga impormasyon sa inilabas ng AFP na listahan ng mga UP students na naging kasapi umano ng New People’s Army at namatay sa engkwentro.
Ang hakbang ni De Lima ay kasunod din ng pagtuldok ng Department of National Defense sa 1989 UP-DND Accord.
Nakapaloob sa Senate Resolution No. 628 na inihain ni De Lima ang pagkadismaya sa pagpapatuloy ng AFP sa maling pag-akusa sa mamamayan na sumusunod sa batas.
Naniniwala si De Lima na ginagawa ito ng AFP para masuportahan ang estratehiya ng administrasyon sa paglaban sa communist insurgency sa bansa.
Bilang dating former Justice secretary, ay ikinatwiran ni De Lima na kailangang magsagawa ng independent investigation upang matukoy kung sino ang nagpahintulot na bumuo at maglabas ng nabanggit na hindi totoo at malisyosong mga impormasyon.
Idinagdag pa ni De Lima na layunin din ng pagdinig na makapaglatag ng safeguards para maprotektahan, maisulong at magarantiyahan ang academic freedom na itinatakda ng Konstitusyon.