Red tagging ng ilang government officials sa community pantries, iresponsable – VP Robredo

Pinalagan ni Vice President Leni Robredo ang ilang government officials na nire-red tag ang mga community pantry.

Matatandaang nired-tag nina National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) Spokesperson Lieutenant General Antonio Parlade Jr. at Presidential Communications Undersecretary Lorraine Marie Badoy ang mga organizer ng community pantries.

Hinala kasi ng dalawang opisyal ay sinasamantala ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang mga ganitong inisyatibo para ipalaganap ang kanilang propaganda laban sa pamahalaan.


Sa programang Biserbisyong Leni sa RMN Manila, sinabi ni Robredo na iresponsable ang sinuman na nagbibigay malisya sa mga ganitong inisyatibo.

Ang pagre-red tag sa mga community pantries ay aksaya lamang sa oras at resources.

Umaasa si Robredo na hindi ito makaapekto sa mga taong gustong magtayo ng sarili nitong community pantry para makatulong.

Dapat aniya magpasalamat pa ang pamahalaan kay Ana Patricia Non, ang nagsimula ng ganitong inisyatibo.

Aniya, nagsisilbi silang insipirasyon para sa mga Pilipino.

Hindi naniniwala si Robredo na may koneksyon ang mga pantry organizers sa CPP.

Facebook Comments