Pinalagan ni re-electionist Sen. Leila de Lima ang ginawang pag-red tag ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) sa kampo ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo.
Kasunod na rin ito ng pahayag ni NTF-ELCAC Spokesperson Usec. Lorraine Marie Badoy na bumuo umano ng alyansa ang kampo ng bise presidente sa mga miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Bunsod nito, tinawag ni De Lima na desperadong itong galaw para pahinain ang malakas na suportang natatanggap ni VP Leni mula sa kanyang supporters na mga ‘Kakampink’.
Ayon pa kay De Lima na tumatakbo sa ilalim ng kampo ni Robredo-Pangilinan ticket, hindi mapagtatakpan ng palaging pangre-red tag ng kasalukuyang administrasyon ang kanilang mga “kawalang kakayahan” at mga bagay na hindi nila kayang mapanindigan.
Iginiit din ng senadora na hangga’t red-tagging ang istratehiya ng gobyerno sa mga kaaway nito, hindi titigil ang mga aroganteng nagpapatupad nito sa pagiging marahas sa mga kritiko ng gobyerno.