Isinagawa kahapon sa church grounds ng St. John the Evangelist Cathedral ang Red Wednesday 2025—isang pandaigdigang inisyatiba na layuning kilalanin at suportahan ang mga Kristiyanong nakararanas ng pag-uusig sa iba’t ibang bahagi ng mundo.
Sa temang “Living Hope Amidst Suffering,” binibigyang-diin ng paggunita ang kahalagahan ng patuloy na pag-asa at pananampalataya sa gitna ng mga hamon na kinahaharap ng maraming mananampalataya.
Ang Red Wednesday ay nagiging pagkakataon upang ipakita ang pakikiisa sa mga kapatid na Kristiyanong patuloy na nagdurusa dahil sa kanilang pananalig.
Bahagi ng aktibidad ang pagpapa-ilaw sa kulay pula, na kumakatawan sa sakripisyo ng mga martir at sa pagpapatuloy ng pananampalataya sa kabila ng pag-uusig.
Sa pagdiriwang na ito, hinimok ang lahat na itaas ang panalangin para sa mga komunidad na naaapektuhan ng diskriminasyon at iba pang anyo ng paglabag sa karapatang pantao.
Higit pa rito, layunin ng Red Wednesday na ipabatid sa mundo na buhay at aktibo ang Simbahan, at hindi nawawala ang pag-asang hatid nito para sa mga dumaranas ng pagsubok.









