
Aapela si Senator Erwin Tulfo na gawing online na lamang ang mga refresher courses o schooling ng mga kababayang seaman.
Kaugnay ito sa pagdulog ng mga nagbabakasyong maritime officers kay Sen. Erwin dahil sa halip na makasama ang pamilya kapag andito sa Pilipinas, nauubos ang kanilang panahon sa face-to-face schooling o refresher courses training.
Nangako ang senador na ilalapit ito kina Maritime Industry Authority (MARINA) Administrator Sonia Malaluan at Department of Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac para gawing online na lamang ang klase at pagsasanay ng mga seaman.
Bukod kasi sa nawawalan ng oras ang mga marino sa pamilya nila tuwing umuuwi ng bansa, nagiging dagdag gastos sa pamasahe at pang-araw araw na pangkain ang pagpunta sa school araw-araw.
Inilapit na rin ng mambabatas ang usaping ito kay Senator Raffy Tulfo na siya namang sinang-ayunan ng senador.









