Plantsado na ang hinihinging refund ng Toll Regulatory Board (TRB) para sa mga motoristang naapektuhan ng matinding traffic sa South Luzon Expressway (SLEX).
Ayon kay TRB Director Raymundo Junia – P44 ang refund na iminungkahi nilang ibalik ng operator ng SLEX.
Tatalakayin ito ng TRB board sa November 7.
Babala naman ni Ramon Ang, presidente ng San Miguel Corporation na operator ng SLEX, posibleng gumuho ang tiwala ng mga investors ng P10-Billion Skyway Extension Project dahil sa ganitong hakbang ng TRB.
Pero giit ni Junia – maling pangangatwiran ang babala ni Ang.
Aniya – kumpiyansa siyang mas gusto ng mga responsableng negosyante na maibigay ang interes ng mga konsyumer.
Samantala, dalawang linya ng North Luzon Expressway (NLEX) sa bahagi ng Bocaue, Bulacan ang dalawang araw na isasara para bigyang daan ang konstruksyon ng Bocaue interchange bridge.
Magsisimula ito mula alas 12:00 ng hatinggabi hanggang alas 4:00 ng madaling araw bukas at alas 10:00 ng gabi ng November 5 hanggang alas 4:00 ng madaling araw ng November 6.