Region 02, Mananatili sa GCQ Hanggang June 15, 2020

Cauayan City, Isabela- Hindi pa rin inalis sa ilalim ng General Community Quarantine ang buong Lambak ng Cagayan hanggang sa June 15, 2020.

Ito ang kinumpirma ni Atty. Elizabeth Binag, tagapagsalita ng Provincial Government ng Isabela base na rin sa inilabas na Resolution no. 40 ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases.

Kaugnay nito mananatili pa rin ang mga ipinatutupad na protocols tulad ng mahigpit na pagpapatupad ng pagsusuot ng Face Mask, Social Distancing, bawal pa rin ang paglabas ng bahay ng mga batang edad 20 pababa at mga senior citizen.


Limitado pa rin ang mga pampublikong sasakyan na bibyahe sa Lambak ng Cagayan maging ang mga papasok at lalabas sa rehiyon.

Ito’y kahit na binawi na ni Gov. Rodito Albano sa Lalawigan ng Isabela ang number coding sa lahat ng uri ng sasakyan.

Samantala, dito sa Lungsod ng Cauayan ay patuloy pa rin na ipapatupad ang number coding scheme ngunit ito’y para na lamang sa mga tricycle na pumapasada upang malimitahan ang pagdami ng sasakyan at paglabas ng mga tao sa mga lansangan ayon na rin sa pamahalaang panlungsod.

Facebook Comments