Pumapalo na sa 579 kada araw ang naitatalang kaso ng COVID-19 sa Ilocos Region. Sinabi ni Dr. Rheuel Bobis, COVID-19 focal person ng DOH-CHD1, mayroong 5.8% ng pagtaas ng kaso ng nakakahawang sakit sa rehiyon ngayon at nanatiling nasa high risk ang La Union, Pangasinan at ang Dagupan City.
Aniya, nagkaroon ng unang wave ng pagtaas ng kaso noong buwan ng Enero ngayong taon kung saan katatapos lamang ng holiday season, pangalawa ay noong buwan ng Abril at ang ikatlo ay ngayong buwan ng Hulyo at Agosto.
Ang rehiyon ay mayroon ng higit 9,000 aktibong kaso ng COVID-19 sa kabuuang higit 55,000 kaso.
Dahil dito hinikayat ni Dr. Bobis ang publiko na sundin pa rin ang ipinatutupad na minimum public health standard na siyang epektibong panlaban sa delta variant na pwedeng dahilan ng pagtaas ng kaso nito sa Region 1.