Cauayan City, Isabela- Isa ang rehiyon dos sa buong bansa na may pinakamaraming imbak na bigas ayon sa National Food Authority (NFA).
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Elimar Regindin,Operation Coordination Department Manager ng NFA Central Office, magtatagal ang stock na bigas sa 9.62 days, ibig sabihin walang dapat ipangamba ang publiko sa suplay nito.
Sa usapin naman ng procurement ng bigas, nakapamili na ang ahensya ng mahigit sa 3 milyon na sako ng bigas kung saan nanguna ang lahat ng NFA offices sa rehiyon dos na nakapamili ng bigas na umabot sa mahigit 1 milyong sako.
Dahil dito, napag-iwanan na umano ang ilang rehiyon na nanguna sa maraming biniling palay sa mga nakalipas na taon gaya nalang ng Region 3 at 4.
Ayon pa kay Regindin, sunod na may pinakamaraming nabiling bigas ang Region 2 kung saan mayroon lamang itong mahigit sa 500 libong sako ng bigas.
Mula sa target na 336,000 na sako ng bigas na nabili ng NFA region 2 ay mayroon itong nabili na 401,000 bags ng bigas o katumbas ng 119% accomplishment.
Sa Rice Distribution ng ahensya, mayroon ng naipamahaging 5,779,000 bags ng bigas sa buong bansa.
Sinabi pa ni Regindin, mula sa 5,000,000 na bags ng bigas ay 748,000 ang naibenta na o nai-distribute ng NFA region 2.
Kaugnay nito, umabot naman sa 6% ang market participation ng NFA region 2 sa usapin ng bentahan ng bigas sa merkado.
Isa sa mandato ngayon ng NFA ang buffer stocking o pag-iimbak ng palay sa loob ng 6 buwan na maaaring gamitin sa mga hindi inaasahang sitwasyon gaya ng matinding kalamidad.