Dalawang most wanted persons sa antas rehiyonal at lungsod ang naaresto ng mga operatiba ng Police Regional Office 1 (PRO 1) sa lalawigan ng Pangasinan.
Ayon sa ulat, matagumpay na naisilbi ang mga warrant of arrest sa magkahiwalay na operasyon ng Dagupan City Police Office at Urdaneta City Police Station.
Sa Dagupan City, pinangunahan ng Police Station 4 katuwang ang iba pang yunit ang pagdakip sa itinuturing na Region 1’s 4th Most Wanted Person.
Ang suspek, 25-anyos at residente ng Dagupan City, ay nahaharap sa kasong Statutory Rape na walang inirekomendang piyansa, dalawang bilang ng Acts of Lasciviousness kaugnay ng RA 7610 may piyansang ₱180,000 bawat bilang, dalawang bilang ng Rape by Sexual Assault kaugnay ng RA 7610 na may piyansang ₱180,000 bawat bilang, tatlong bilang ng Rape by Sexual Assault sa ilalim ng Section 5(B) ng RA 7610 na may inirekomendang piyansang ₱180,000 bawat bilang.
Sa parehong araw, nadakip din ng mga operatiba ng Urdaneta City Police Station ang 19 anyos na porter at residente ng Urdaneta City na itinuturing na City’s Top Most Wanted Person para sa kasong Qualified Rape of a Minor. Ang pag-aresto ay isinagawa sa bisa ng warrant of arrest na walang inirekomendang piyansa.
Binigyang-diin ni Dindo R. Reyes, Regional Director ng Police Regional Office 1, na patuloy ang kanilang walang humpay na pagtugis sa mga lumalabag sa batas, lalo na sa mga kasong may kinalaman sa pang-aabuso.
Aniya, ang panggagahasa ay sumisira hindi lamang sa inosente kundi pati sa dignidad at seguridad ng biktima, na maaaring magdulot ng pangmatagalang emosyonal at sikolohikal na sugat.
Hinikayat din niya ang mga magulang at komunidad na maging mapagmatyag at makipagtulungan sa mga awtoridad upang maprotektahan ang kabataan at mapanatili ang ligtas na pamayanan.
Patuloy ang kampanya ng PRO1 laban sa kriminalidad bilang bahagi ng kanilang layuning mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa buong rehiyon.








