Regional Comprehensive Economic Partnership, inendorso na sa plenaryo; RCEP, hindi makakasama sa agriculture sector

2Inendorso na sa plenaryo ng Senado ang Regional Comprehensive Economic Partnership (RCEP).

Nasa 16 na mga senador ang lumagda sa report dito ng Senate Committee on Foreign Affairs.

Sina Senate President Juan Miguel Zubiri at Senate President pro tempore Loren Legarda ang nagpresenta ng RCEP sa plenaryo para maratipikahan ng Senado.


Tiniyak ni Zubiri na sa ilalim ng RCEP ay hindi tatapakan at hindi papatayin ang sektor ng agrikultura.

Binigyang diin ni Zubiri na sa RCEP ay mabibigyang pagkakataon ang Pilipinas na ma-source ang raw materials at iba pang produkto sa mga kapwa RCEP na bansa, makapag-produce ng lokal na produkto at makapagluwas ng produkto sa mga RCEP countries salig sa kasunduan.

Ang ganito aniya ay imposibleng gawin sa mga kasalukuyang free trade agreement tulad ng ASEAN Japan Comprehensive Economic Partnership at Philippine Japan Economic Partnership Agreement na may mahigpit na rules na naglilimita tuloy sa mga sourcing at export activities.

Sinabi pa ni Zubiri na ayaw niya na mapag-iwanan ang ating bansa at ituring tayo bilang ‘isolationist’ na sarado sa malayang kalakalan.

Samantala, kabilang naman sa mga senador na hindi lumagda sa committee report ng RCEP Committee on Foreign Relations Chairman Senator Imee Marcos gayundin sina Senators Risa Hontiveros, Cynthia Villar, Bong Go at Chiz Escudero.

Sa mga bansa sa ASEAN, tanging ang Pilipinas na lamang ang hindi nag-aapruba ng tuluyan sa RCEP.
+

Facebook Comments