*Cauayan City, Isabela- *Sinimulan na ngayong araw, Septyembre 5, 2018 ang 28th Regional Conference ng mga Barangay Nutrition Scholars (BNS) na dadaluhan ng nasa 1300 na miyembro ng BNS mula sa ibat-ibang lalawigan at municipalidad sa Rehiyon II.
Sa panayam ng RMN Cauayan kay Ms. Maria Giselle Lonzaga, ang OIC ng Nutrition Program Coordinator ng National Nutrition Council Region II, Layunin umano nitong maituro ang mga makabagong technical na kaalaman hinggil sa Nutrisyon kung paano masolusyunan ang problemang malnutrisyon na kinakaharap ng bansa.
Bukod pa rito ay upang mabigyan rin ng orientasyon ang mga BNS hinggil sa kanilang misyon na matuldukan ang malnutrisyon sa mga bata at tamang pangangalaga sa kalusugan.
Aniya, pangalawang pagkakataon na umano itong isinagawa ang Regional Conference ng mga BNS at target rin umano nila itong gawin kada taon.
Nakatakda rin umanong magkaroon ng talent show bukas sa FLDY Coliseum bilang panghuling araw ng BNS Regional Conference sa Lungsod ng Cauayan.
Sa ngayon ay mayroon na umano silang kabuuang bilang na mahigit dalawang libo at apat na raang BNS mula sa 2,311 na barangay sa rehiyon II.