Regional director ng LTFRB sa Bicol, sinibak

Sinibak sa pwesto ang Bicol regional director ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) dahil sa alegasyon ng extortion.

Mismong iniutos ng Malacañang ang pagsibak kay Vladimir Custer Kahulugan matapos isumite ng Investigation, Security, and Law Enforcement ng Department of Transportation o DOTr ang imbestigasyon nito.

Nakalagay sa kautusan na nagkakabisa ang termination kay Kahulugan noong a- 28 ng Nobyembre.


Siyam na buwang nag-imbestiga ang DOTr at lumitaw na ginamit ni Kahulugan sa extortion activities ang itinatag niyang Bicol Inter-Agency Road Safety Operation kasama ang Regional Office 5 ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) na ang layunin sana ay lansagin ang mga colorum na sasakyan.

Sa pakikipagtulungan ng mga tauhan ng LTFRB Enforcement Team na sina Narciso Juntereal, Robert Pacurib, Jose Pado, at Eduardo Felix, modus nila na magkakasa ng “hulidap” operations kung saan nanghuhuli sila ng mga Public Utility Vehicles (PUV) kahit walang violations.

Napipilitan ang mga nahuhuli na ayusin ang grupo kapalit ng malaking halaga.Maliban sa pagkasibak sa puwesto, inirekomenda din ni DOTr Secretary Arthur Tugade na kasuhan si Kahulugan ng kasong kriminal.

Facebook Comments