Regional Director ng OCD, Nagbabala sa Posibleng Epekto ng Bagyong Bising sa Region 2

Cauayan City, Isabela- Nagpaalala na sa bawat Local Disaster Risk Reduction and Management Council sa Lambak ng Cagayan ang pinuno Office of the Civil Defense (OCD) Region 2 hinggil sa posibleng maging epekto ng Bagyong Bising sa rehiyon.

Inatasan ni OCD Regional Director Harold Cabreros ang Cagayan Valley Regional Disaster Risk Reduction and Management Council (*CVRDRRMC*) na itaas na sa Blue alert status epektibo ngayong araw, April 18, 2021.

Lahat ng local DRRMCs at mga kinauukulang ahensya ay kinakailangang tiyakin na lahat ng mga hakbang ay nakahanda; maiparating sa publiko ang mga babala at payo; at kinakailangang nakahanda at natatawagan ang mga numero o hotline numbers para sa emergency.


Bilang pag-iingat, pinapayuhan din ang bawat local DRRMCs na bantayan ang lebel ng tubig sa ilog na madalas nakakaapekto sa mga nakatira sa mabababang lugar at paalalahanan din ang mga nakatira sa mga lugar na prone sa landslides at baha.

Maging ang mga LGUs sa rehiyon ay inabisuhan rin na magsagawa ng pre-emptive evacuation kung kinakailangan lalo na sa mga lugar na nababaha.

Facebook Comments