Regional directors ng DSWD, pinulong ni Secretary Erwin Tulfo para mahigpit na i-monitor ang epekto ng Bagyong Florita

Pinulong kanina ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo ang regional directors ng Regions 1, 2, 3, Cordillera Administrative Region (CAR) at National Capital Region (NCR) para tiyakin ang kahandaan ng field offices nito sa kagyat na pagtugon sa mga maaapektuhan ng Bagyong Florita.

Mahigpit nang mino-monitor ngayon ng ahensya ang Abra at Mountain Province na nagpatupad ng preemptive evacuation dahil sa posibleng lumambot ang lupa sa mga lugar na niyanig ng magnitude 7 na lindol .

Nasa 59 families o katumbas ng 190 na katao ang nailikas.


Sa Field Office #3, nasa 11 barangay naman na ang apektado sa Zambales areas kung saan 94 na pamilya o 355 na katao ang apektado.

Naka-standby rin ang mga tauhan ng ahensya at handang mamahagi ng relief goods at iba pang tulong sa mga Local Government Unit kung kinakailangan na.

Sa ngayon, may kabuuang 22,982 family food packs ang nakahanda na para sa distribusyon gayundin ang 5,610 non-food items.

Nagpapatuloy pa rin ang re-packing ng karagdagang relief goods, sa tulong ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine Army at iba pa.

Facebook Comments