Regional wage boards, binigyan ng 30 araw para resolbahin ang dagdag na sahod ng mga manggagawa

Binigyan ng House Committee on Labor and Employment ng 30 araw ang mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) para tugunan at solusyunan ang taas-sahod ng mga manggagawa.

Sa pagdinig ng komite ay inaprubahan ang mosyon ni Baguio City Rep. Mark Go para sa pagtatakda ng timetable sa pag-apruba ng nararapat na umento sa sahod sa mga rehiyon.

Iginiit ng kongresista na obligahin na ang lahat ng RTWPB na desisyunan ang panawagang wage hike lalo’t apat na taon nang halos walang taas sahod ang mga manggagawa.


Hindi na aniya dapat hintayin pa na mag-convene ang National Wages and Productivity Commission (NWPB) para sa wage hike dahil kailangan na ng mga manggagawa ang taas sahod sa gitna ng fuel crisis at mataas na presyo ng bilihin.

Sinabi naman ni Department of Labor and Employment (DOLE) National Wages and Productivity Commission Executive Director Criselda Sy na anim na rehiyon ang may petisyon para sa wage increase.

Kabilang dito ang NCR, Regions 3, 4A, 6, 7 at 8 na karamihan ay humihingi ng P750 na dagdag sa sweldo.

Facebook Comments