Regionwide “Operation Baklas” ng mga campaign poster, sinimulan na ng COMELEC

Ikinasa na ng Commission on Elections (COMELEC) ang Regionwide “Operation Baklas” isang linggo matapos simulan ang campaign period para sa national position.

Partikular na iikutan ng COMELEC ang lungsod ng Maynila, Pasay, Makati, Mandaluyong, Pasig, Caloocan at Quezon City.

Layunin ng COMELEC na baklasin ang mga poster, banner, tarpaulin at billboard ng mga kumakandidato para sa national na position kabilang na ang mga partylist.


Isa sa nahirapang kumbinsihin ng COMELEC ang may-ari ng isang building sa Edang Street malapit sa Malibay, Pasay City kung saan isang malaking billboard ng sinusuportahan nilang kandidato ang hindi pa inaalis o ibinababa.

Nauna nang nagpadala ng notice ang COMELEC noong February 10, 2022 kung saan kinausap ng mga tauhan ng COMELEC ang hindi na nagpakilalang may-ari kung bakit ito kailangan alisin.

Muling ipinapaalala ng COMELEC sa mga kandidato maging sa mga tauhan at supporter ng mga ito na dapat sundin ang mga patakaran sa paglalagay o pagkakabit ng mga campaign material tulad ng posters, banner at tarpaulin.

Matatandaan na sa inilabas na panuntunan ng COMELEC, bawal magkabit ng campaign posters, banner at tarpaulin sa mga puno, poste ng ilaw, kawad ng kuryente, eskwelahan, waiting shed, side walk, traffic signs, tulay, barangay hall, health centers, iba pang public building, public shrines, terminal, paliparan, pantalan, PUVs, patrol car, mga istasyon ng LRT, MRT, PNR, overpass at underpass kasama na ang center islands.

Ayon pa sa COMELEC, ang tamang sukat ng campaign posters o banners ay may maximum na sukat na 61 centimeters by 91 cm kung saan hindi na dapat ito lumampas pa.

Katuwang ng COMELEC sa operasyon na ito ang mga tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Department of Public Works and Highways (DPWH), National Capital Region Police Office (NCRPO) at mga traffic enforcer ng Local Government Unit (LGU).

Facebook Comments