Register Anywhere Project ng COMELEC, matagumpay na idinaos sa Batasan

Matagumpay na idinaos nitong mga nagdaang araw sa Mababang Kapulungan ang Register Anywhere Project (RAP) ng Commission on Elections (COMELEC).

Ang nabanggit na proyekto ay bahagi ng paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Oktubre ngayong taon.

Ayon kay Secretary General Director II Maria Josefina Ricafort, umabot sa 576 ang nagparehistro sa RAP sa House of Representatives.


Kinabibilangan ito ng mga empleyado sa Kamara, kanilang mga dependents, pati mga tauhan ng mga attached agencies nito.

Nakibahagi din ang 55 tauhan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa serbisyo ng RAP.

Ayon kay Atty. Ryan Santos, Lawyer V ng Comelec Elections and Barangay Affairs Department, ang kabuuang proseso ng rehistrasyon ay inaabot lamang ng kulang sa 10 minuto para sa isang indibidwal.

Ito ay upang kumpletuhin ang rehistrasyon, panayam, beripikasyon, pagsusuri, encoding at acknowledgement ng aplikasyon.

Sinabi pa ni Santos na ang kaibahan ng rehistrasyon ng RAP sa regular na satellite registration ay maaaring tanggapin ng RAP teams ang rehistrasyon saan mang panig ng bansa.

Sa pagtaya ng COMELEC ay aabot sa 1.5 milyong botante ang magpaparehistro sa RAP na sinimulan noong ika-22 ng Disyembre 2022 hanggang ika-31 ng Enero 2023.

Facebook Comments