Umapela si Assistant Majority Leader Niña Taduran na ipagpaliban muna ang implementasyon ng circular ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na nag-uobliga sa mga online seller na magbayad ng buwis at magparehistro hanggang July 31, 2020.
Kasabay ng apela ng mambabatas ang pagkundena rin niya sa kawalang konsiderasyon ng ahensya sa mga nawalan ng hanapbuhay dahil sa community quarantine.
Giit ni Taduran, hindi napapanahon ang kautusan ng BIR dahil karamihan sa mga online seller ay napuwersa lamang magbenta para may makain at panggastos sa araw- araw.
Bukod dito, marami ring online sellers na nagsulputan ngayon na pansamantala lamang ginagawa ang negosyo habang hindi pa nakababalik o nakahahanap ng trabaho.
Tinawag din ng mambabatas na insensitive ang utos ng BIR dahil minamadali ang deadline at mahaharap pa raw sa multa ang mga hindi makakasunod gayong hindi pa nakakarekober ang lahat sa epekto ng pandemya.
Hirit ng Lady solon, ipagpaliban ang deadline sa susunod na taon para naman makapaghanda ang mga online seller sa mga dokumentong kailangan at salaping pambayad ng kanilang mga buwis.