Uumpisahan na ng Philippine Statistics Authority (PSA) ang registration para sa national ID system sa October 12, 2020.
Ayon kay PSA Chief National Statistician Dennis Mapa, sisimulan ang step 1 ng registration kung saan kukunin ang sampung demographic information ng mga registrants.
Ang mga registration officers ay bibisita sa mga bahay ng mga tinukoy na registrants, gamit ang ‘listahanan’ ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para kolektahin ang impormasyon at magbibigay ng appointment kung kailan sila maaaring bumisita sa mobile registration centers.
Una nang nilinaw ng PSA na hindi sapilitan ang pagpaparehistro sa national ID pero hinihikayat nito ang lahat na sumali.
Tinukoy naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga lalawigang ipaprayoridad para sa roll out ng national ID.
Sinabi naman ni Mapa na magsisimula ang step 2 ng registration sa November 25 kung saan kukunin ang biometric information tulad ng iris scan, fingerprints, at photograph.
Target ng PSA ang limang milyong Pilipino na makumpleto ang registration process sa ika-apat na kwarter ng 2020.