Aarangkada na sa Lunes, Setyembre a-dos ang pilot test para sa pagpaparehistro para sa Philippine Identification Card System.
Ayon kay Philippine Statistics Authority (PSA) Philippine Identification System (PhilSys) Assistant Secretary Lourd Dela Cruz – nasa 10,000 Pilipino ang target ng gobyerno na mairehistro sa pilot testing ng National Identification System.
Habang target aniya sa taong 2020 na mairehistro ang 50 milyong Pinoy at dagdag na 50 milyon pa sa taong 2021 kasama ang mga Overseas Filipino Workers (OFWs).
Sinabi rin ni Dela Cruz na libre ang pagkuha ng National ID na magbibigay ng PhilSys number at magiging unique number na ng bawat Pilipino.
Tiniyak rin ni Dela Cruz na hindi magagamit ang mga impormasyong ilalagay sa National ID ng bawat Pilipino para sa ilegal na gawain.
Nakalagay sa naturang ID ang pangalan, tirahan, petsa at lugar ng kapanganakan, kasarian, blood type, larawan ng may-ari at biometrics nito.