Aabot sa anim na milyong Pilipino ang unang makatatanggap ng kanilang national identification cards na ilalabas sa Setyembre ngayong taon.
Ito ang tiniyak ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa ginanap na pagdinig ng House Oversight Committee on Population and Family Relations sa Dumaguete, Negros Occidental.
Dito, pinamamadali ni House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo ang pagpapatupad ng Philippine Identification System (PhilSys).
Ayon kay PSA Deputy National Statistician, Atty. Lourdines Dela Cruz – sinisiguro ng nila na handa silang magsagawa ng first batch ng registration upang makapag-isyu na sila ng national ID sa Setyembre.
Aniya ang mga maaaring makapagrehistro lamang ay mga Pilipino, maging ang mga dayuhang residente na ng bansa ng halos limang taon.
Ipaprayoridad sa registration ang mga indigents, persons with disabilities (PWDs) at government workers sa ilang lugar sa bansa.
Ang mga impormasyong kukunin para sa PhilSys ay ang biometrics (kabilang ang thumbprint, iris at face scanning), buong pangalan, kasarian, petsa at lugar ng kapanganakan, blood type, address.
Magiging optional din kung ilalagay ang marital status, mobile number at email address.
Pagkatapos ng libreng registration, bibigyan na ang registrant ng kanyang permanenteng PhilSys number.
Ang card ay mailalabas ilang araw pagkatapos ma-authenticate ang impormasyon.
Ang card ay magsisilbing single identification system para sa lahat ng Pilipino at resident aliens upang mapadali ang pakikipagtransaksyon sa gobyerno at pribadong sektor.
Pagdating ng 2022, inaasahang nasa 100 milyong Pilipino at resident aliens na ang makikinabang sa national ID.