Iminungkahi ni House Deputy Speaker at 1PACMAN Rep. Mikee Romero kay bagong National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Karl Kendrick Chua na simulan na ang registration para sa National ID System bago mag-June 30.
Sa timeline ng Philippine Statistics Authority (PSA) magsisimula ang nationwide registration sa July 2020 pa habang inaasahan na sa 2021 naman bubuksan ang registration para sa mga OFWs.
Kasabay ng panawagan ay ihahain ni Romero ang panukala para amyendahan ang Republic Act 11055 upang maging mas kapaki-pakinabang ang National ID.
Sa ngayon, limitado lamang aniya ang mga datos na awtorisadong makalap para sa National ID kabilang na ang demographic data, biometric data at optional naman ang pagbibigay ng marital status, mobile number at email address.
Ayon kay Romero, nais niyang magdagdag ng ilang impormasyon sa National ID tulad ng income at employment na maaaring makatulong sa pagtukoy ng mga benepisyaryo ng government aid at services.
Sa ganitong paraan ay mas mapapadali ang pagtukoy sa mga benepisyaryo sa oras ng krisis katulad na lamang sa nangyayari ngayong may COVID-19.
Maaari aniyang simulan ang pagpapatala sa mas maliliit na local government units sa Metro Manila tulad ng Pateros, San Juan at Marikina at saka isunod ang mass registration sa iba pang lungsod.