Iminumungkahi ng isang konsehal sa Dagupan City ang ordinansang nagmamandato sa Committee on Infrastructure at sa koordinasyon sa iba pang opisina sa lungsod na magkaroon ng full transparency, accountability at regular na monitoring sa mga flood control project simula 2016 hanggang sa kasalukuyan.
Sa naging privilege speech ni Councilor Maria Librada Reyna sa regular session ng Sanggunian noong September 1, hinimok nito ang komite na ilabas ang estado ng mga flood control projects upang malaman ng publiko ang mga natapos, ongoing at hindi natapos para sa karampatang solusyon.
Ayon sa opisyal, simula 2016 ay mayroong taunang flood mitigation projects sa lungsod base sa listahan na nakuha nito sa website ng DPWH dahilan upang pagtakhan ang malawakang pagbaha na patuloy na iniinda ng mga Dagupeño.
Sa bisa ng inihaing ordinansa, nais umanong malinawan at mabigyan ng kasagutan ang publiko bilang tungkulin ng mga konsehal na pangalagaan ang pondo at tiyakin ang maayos na implementasyon ng mga proyekto.
Ibinalik din ni Reyna ang katanungan sa ehekutibo kung saan umano napunta ang pondo sa mga kinekwestyon sa kanyang budget noong 2023-2025 na naging tugon sa kanya ng Majority Floor Leader noong session.
Samantala, ilang mga proyekto kontra pagbaha sa lungsod ang kinompirma ng DPWH tulad ng bike lane sa De Venecia Highway, rehabilitasyon ng Lo OC Creek na may karampatang floodgate, maging ang pagdadraga sa mga ilog sa lungsod na kabilang rin sa River Restoration Project ng Pangasinan. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣









