REGULAR NA PAGLILINIS SAPAMILIHANG BAYAN NG MANGALDAN, SUPORTADO NG MGA MANLALAKO

Suportado ng mga manlalako ang isinasagawang regular na paglilinis sa Mangaldan Public Market, na layong mapanatili ang kalinisan at kaayusan sa pamilihang bayan.

Ipinahayag ng ilang vendor na malaking tulong ang isinagawang malawakang paglilinis ng Lokal na Pamahalaan ng Mangaldan noong Huwebes, Enero 8, lalo na sa mga pwesto ng karne at isda na mas mabilis kapitan ng dumi.

Ayon sa panayam ng IFM Dagupan sa ilang manlalako, dahil wet goods ang kanilang paninda, kinakailangan ang madalas na paglilinis upang maiwasan ang masangsang na amoy at pagdami ng basura.

Dagdag pa nila, mas nagiging kampante ang mga mamimili kapag malinis ang paligid at maayos ang kondisyon ng palengke.

Kasabay ng paglilinis ng mga puwesto, isinagawa rin ang clearing ng mga kanal at drainage system upang maiwasan ang pagbabara na maaaring magdulot ng baha at karagdagang polusyon.

Ayon sa LGU, nakatakdang gawin ang ganitong clean-up activity tuwing Huwebes at Sabado bilang bahagi ng regular na maintenance ng palengke.

Naniniwala ang mga manlalako na makatutulong ang tuloy-tuloy na paglilinis upang mapanatiling ligtas, maayos, at kaaya-aya ang Mangaldan Public Market para sa mga nagtitinda at mamimili.

Facebook Comments