Pabor si Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones Chairman Francis Tolentino na regular na magsagawa ng joint patrol ang bansa kasama ang Australia, Japan at US.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod na rin ng katatapos na multilateral maritime cooperative activity (MMCA) ng mga nabanggit na bansa sa West Philippine Sea.
Ayon kay Tolentino, ang regular na joint patrol sa WPS ay mangangahulugan ng commitment para sa defense at security cooperation sa mga kaalyadong bansa.
Hindi naman naniniwala si Tolentino na lalong magagalit ang China kapag nagkaroon ng regular na joint patrol sa WPS at sa halip ay magsusulong pa ito ng katatagan sa rehiyon at makaaambag pa ang aktibidad sa regional security at cooperation.
Kumpiyansa rin si Tolentino na magiging daan pa ito sa joint patrols sa iba pang mga bansa na hindi lang limitado sa military exercises salig na rin sa United Nations Convention on the Law of the Seas (UNCLOS).