Bilang pagkilala sa kontribusyon ng mga opisyal ng barangay ay inihain ni Senator Manny Pacquiao ang Senate Bill 1956 o panukalang Barangay Officials Salary Standardization Act of 2020.
Nakapaloob sa panukala ang dagdag benepisyo para sa mga opisyal ng barangay na kinabibilangan ng regularisasyon, salary standardization at pagkakaroon ng special risk allowance sa panahon ng emergency o kalamidad.
Binigyang diin ni Pacquiao na wala pang pandemya ay nagsisilbi nang frontliners ang mga barangay officials subalit puro papuri sa salita ang natatangap nila at walang kompensasyon.
Sa panukala ni Pacquiao ay tatanggap ang Punung Barangay ng ₱35,000 na buwanang sweldo, habang ₱25,000 naman para sa iba pang halal na opisyal ng barangay at ₱15,000 na sweldo para sa mga appointive officials.
Mayroon din silang 13th month pay at Christmas bonus na ₱3,000, rice allowance, special risk allowance at iba pang benepisyo.