Unti-unti ng gumugulong ang proseso para sa regularisasyon ng mahigit isang libong job order (JO) traffic enforcers ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Sa budget deliberations sa plenaryo ng Kamara ay inihayag ito ni Marikina Rep. Stella Quimbo na siyang nagde-depensa sa 2023 proposed budget ng MMDA na nagkakahalaga ng ₱4.388 billion.
Tinanong ni 1-Rider Party-list Rep. Bonifacio Bosita, kung may plano ang MMDA na i-regular ang mga JO traffic enforcer nito bilang pagsunod sa Joint Memorandum Circular No. 2 ng Department of Budget and Management at Civil Service Commission.
Sa pamamagitan ni Quimbo ay inihayag ng MMDA na sa 1,411 JO traffic enforcers nito noong 2021 ay 144 na ang na-casualized habang 46 ang na-promote sa permanent positions.
Binanggit ni Quimbo na ngayong taon ay 58 JO traffic enforcers ang naghihintay na lamang ng final validation mula sa Civil Service Commission upang ma-regular.