9Manila, Philippines – Nasa 300 libong mga manggagawa ang target ng Department of Labor and Employment (DOLE) na maregular sa kanilang mga trabaho ngayong 2018.
Ito ang sinabi ni Labor Secretary Silvestre Bello III, kaugnay sa nagpapatuloy ng laban ng ahensya kontra kontrakwalisasyon.
Ayon kay Bello, nakapagbaba na sila ng mandato sa kanilang mga regional offices upang makuha ang listahan ng mga empleyado sa mga kumpaniyang kanilang nasasakupan.
Kalakip sa inaantay na mga dokumento ay ang programang ipatutupad ng mga ito para sa regularisasyon.
Sa kasalukuyan ayon sa kalihim, nasa 541 Labor Law Compliance Officer ang nagsasagawa ngayon ng assessment at inspeksyon sa mga kumpaniya sa buong bansa, upang masawata ang mga ilegal na porma ng kontrakwalisasyon sa paggawa.