Manila, Philippines – Dudulog na ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa Korte Suprema dahil sa patuloy na hindi pagsunod ng PLDT sa kautusang gawing regular ang mahigit 7,000 na manggagawa nito.
Ayon kay Labor Secretary Silvestre Bello III, nakahanda na ang ihahain nilang kaso laban sa PLDT.
Una nang iginiit ng PLDT, na hindi tama ang clarificatory order ng DOLE dahil inakyat na nila ang isyu sa Court of Appeals para kuwestiyonin ang naunang compliance order.
Hindi rin anila sila nabigyan ng pagkakataong maghayag ng kanilang hinaing at hindi rin sila nakatanggap ng imbitasyon na makadalo sa mga dayalogong kasama ang mga labor union.
Matatandaang pinag-a-apply ulit ng PLDT ang kanilang mga manggagawa bago sila i-absorb bilang regular na manggagawa kaya naglabas ng clarificatory statement ang DOLE.
Kasabay nito, tiniyak ng DOLE na hinahanapan na nila ng pansamantalahang trabaho ang mga manggagawa ng PLDT.