Regularization ng mga Contract of Service at Job Order personnel ng DSWD, pinapopondohan ni Congressman Libanan

Pinapopondohan ni House Minority Leader at Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) Party-list Rep. Marcelino Libanan ang regularisasyon ng mga Contract of Service (COS) at Job Order (JO) personnel ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Sa budget briefing sa Kamara ay lumabas na mula sa 32,842 na workforce ng DSWD sa buong bansa ay aabot lamang sa 3,286 ang may regular na posisyon habang nasa 15,811 na tauhan mula sa DSWD Central Office ang nasa ilalim ng Contract of Service at Job Order.

Paliwanag ni Libanan, ang pagpapanatili sa mga kawani bilang COS o JO ay insensitive at taliwas sa pangunahing prinsipyo ng DSWD na pakikiramay at pangangalaga sa kapakanan ng mga Pilipino.


Diin pa ni Libanan, ang hindi pag-regular sa mga empleyado ay may negatibong epekto sa kabuuang kalidad ng trabaho ng DSWD na isa sa pinakamahalagang ahensya ng pamahalaan.

Bunsod nito ay iginiit ni Libanan kay DSWD Sec. Erwin Tulfo na pangunahan at isagawa agad ang pag-regular sa mga magagaling at masisipag na empleyado sa harap ng napipintong “rightsizing” sa gobyerno.

Tiniyak naman ni Libanan na ang Kongreso ay handang magbigay ng “institutional support” sa DSWD dahil napakahalaga ng papel ng mga personnel nito sa pagpapatupad ng social protection programs kaya dapat lamang mapagkalooban sila ng “security of tenure.”

Facebook Comments