Epektibo na ang ordinansang nagtatakda ng regulasyon kontra noise pollution sa bayan ng San Manuel, mula sa paggamit ng mga videoke, sound system, at maiingay na muffler, upang maprotektahan ang mga residente mula sa perwisyo at nakagagambalang ingay.
Nakasaad sa aprubadong ordinansa ang pagbabawal sa operasyon ng mga videoke at iba pang kahalintulad na sound system nang lagpas alas dies ng gabi; paggamit at pagbebenta ng modified o maiingay na uri ng muffler sa anumang uri ng sasakyan; responsableng pagbabantay sa mga alagang hayop; at malakas na pagpapatugtog ng mga sasakyang may nakakabit na sound system.
Pinahihintulutan naman ang paglagpas sa nabanggit na oras, kapag may selebrasyon tulad ng mga pista, birthday, Pabasa, maging ang paggamit ng paputok tuwing bagong taon at iba pang okasyon tulad ng mga fund-raising events na may kalakip na barangay permit.
Bilang parusa sa mga lalabag, papatawan ng ₱1, 000 multa ang mahuhuli sa unang beses; ₱1,500 sa ikalawa; at ₱2, 500 naman sa ikatlo at susunod pang mga bilang ng paglabag.
Bilang bahagi ng maigting na pagpapatupad awtorisado ang mga pwersa ng barangay, POSO enforcers, at PNP personnels na manghuli ng mga lalabag sa ordinansa.
Inaasahan na masosolusyonan ng ordinansa ang matagal nang reklamo ng mga residente mula sa perwisyong dulot ng noise pollution sa bayan.








