Pinahihigpitan pa ng isang Kongresista ang regulasyon sa mga transaksyon sa internet laban sa scam o panloloko online.
Kasunod ito ng napabalita na isang college student sa Guimaras ang bumili ng laptop sa isang online shopping application na gagamitin sana sa kanyang online class pero sa halip na gadget ang matanggap ay tatlong bato ang laman ng kahon.
Iginiit ni House Committee on Trade and Industry Chairman Representative Wes Gatchalian na dapat papanagutin na ang mga online shopping o e-Commerce platform pati na ang courier services sa mga nasira o nawalang produkto na binili sa kanila.
Kasabay nito ang panawagan ng Kongresista na mapaaprubahan na sa lalong madaling panahon ang House Bill 6122 o ang Internet Transactions Act (ITA).
Nakapaloob sa panukala ang mga partikular na obligasyon at pananagutan ng online merchants kasama ang delivery ng produkto sa kondisyon na itinatakda ng kontrata.
Sa ilalim din ng panukala ay magkakaroon ng code of conduct for online businesses, kasama ang tracking ng deliveries at ang paghahatid sa kanila sa ipinangakong araw at pagtiyak nasa maayos na kondisyon ang na-deliver na produkto.