Para kay Northern Samar First District Representative Paul Daza, nararapat nang paghiwalayin ang regulatory at commercial functions ng Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) para maiwasan ang conflict of intrests.
Sinabi ito ni Daza matapos ang malawakang aberya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) nitong January 1 dahil sa power outage sa Air Traffic Management Center ng CAAP kung saan naapektuhan ang 65,000 na pasahero at mahigit 300 flights.
Hindi naman maiwasan ni Daza na magduda sa magiging takbo ng imbestigasyon ukol sa insidente dahil CAAP din ang nag-iimbestiga sa sarili nito.
Mungkahi ni Daza sa gobyerno, bumuo ng impartial body na magsasagawa ng imbestigasyon para matukoy ang totoong sanhi ng aberya sa NAIA.
Suportado rin ni Daza ang isinusulong na joint investigation ng Senado at Kamara.
Giit ni Daza, hindi pwedeng maulit ang insidenteng ito kung saan nalagay sa alanganin ang libu-libong buhay, bukod sa mahalagang aspeto rin sa ating pagsulong ang air-and-sea-based travel.