Rehabilitasyon at pagsasaayos ng mga mawawasak o masisira ng Super Typhoon ‘Betty’, dapat nakahanda na rin – senador

Pinatitiyak ni Senator Christopher “Bong” Go na nakahanda na rin ang gobyerno sa ‘aftermath’ o sa pinsalang maiiwan ng Super Typhoon “Mawar” na tatawaging Super Typhoon “Betty” kapag nakapasok na sa bansa.

Iginiit ni Go na bukod sa mga paghahanda sa inaasahang pagpasok ng napakalakas na bagyo, dapat ay nakalatag na rin ang restoration at rehabilitation efforts ng pamahalaan para paglabas ng bagyo sa bansa ay agad na makabalik sa normal na pamumuhay ang mga biktima ng kalamidad.

Mahalaga aniya na magkakaugnay ang aksyon ng mga kaukulang ahensya ng gobyerno na nakatutok ngayon sa bagyo.


Partikular na pinakikilos para sa mabilis na pagsasaayos ng mga mawawasak ng bagyo ang Department of Energy (DOE), Department of Information and Communications Technology (DICT) at Department of Public Works and Highways (DPWH).

Dapat aniya na mabilis ang pagkilos ng mga ahensya para maibalik ang suplay ng kuryente at maisaayos agad ang mga matutumbang poste at mga puno, mapuputol na kable at mga masisirang daan at tulay.

Inaasahang mamayang gabi o bukas ng umaga ay nakapasok na sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Super Typhoon Betty.

Giit ni Go, mainam na ang handa para maiwasan ang mas malaking problema na pwedeng maidulot ng bagyo.

Facebook Comments