Ikinasa na sa Enero 19 (Sabado) ang 30-buwang konstruksyon ng Estrella-Pantaleon Bridge na kumokonekta sa mga lungsod ng Makati at Mandaluyong, ayon sa anunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ang rehabilitasyon ng tulay ay orihinal na itinakda Setyembre noong nakaraang taon pero napagdesisyunan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na ipagpaliban ito para bigyang daan ang holidays season at kalauna’y itinakda sa Enero 12.
Ayon kay MMDA General Manager Jojo Garcia, tuloy na tuloy na ang total replacement ng tulay sa Enero 19, Sabado.
Kabilang sa proyekto ang demolisyon at rekonstruksyon ng tulay, hindi lang para mas maraming sasakyan ang makinabang kundi para na rin patibayin ito sakaling magkaroon ng malakas na lindol.
Hindi rin umano akma sa urbanized city ang tulay nang itayo ito noong 2010. Nasa 35,000 sasakyan ang gumagamit ng 160-metrong tulay araw-araw.
Aniya, ang pagpapalit ng tulay ay magdudulot ng bigat sa trapiko pero tiniyak nito sa mga motorista ang pang-matagalang benepisyo oras na matapos ang proyekto.
Mula sa dating 10-minutong travel time, aabutin na ang mga motorista ng 30 minuto hanggang isang oras dahil sa gagawing pagsasara.
Kasama rin sa proyekto ang road widening sa landing area ng tulay na nakatakda naman sa 2020.