Rehabilitasyon ng Ilog Cagayan, Sisimulan na

Cauayan City, Isabela- Anumang araw ay sisimulan na ang pagsasaayos sa Ilog Cagayan matapos ang pananalasa ng malawakang pagbaha sa Lalawigan.

Kaugnay nito, nakatakda ngayong araw, Disyembre-10, ang paglagda sa Memorandum of Agreement (MOA) para sa proyektong Cagayan River Restoration ng pamahalaan.

Ito ay sa pagitan ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) at sa dalawang (2) operator-dredgers na napiling mag-draga sa bukana ng Ilog Cagayan.


Inaasahan itong sasaksihan ni Gov. Manuel Mamba na tumatayong Chairman ng Inter Agency Committee (IAC) ng Cagayan River Restoration Project kasama mga punong direktor ng Department of Public Works and Highways (DPWH), Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Environmental Management Bureau (EMB) sa rehiyon.

Una nang nakipag-dayalogo kahapon kay Gob. Mamba ang mga miyembro ng Build Back Better Task Force para sa agarang pagsisimula ng Cagayan River Restoration Project.

Tiniyak naman ng Build Back Better Task Force na masimulan na ang mga proyektong nakahanay para sa rehabilitasyon ng Ilog Cagayan.

Nagsagawa din ang mga ito ng site inspection sa mga makikipot na bahagi ng Ilog Cagayan partikular sa Magapit, Lal-lo upang makita ang mga dapat gawin ukol dito.

Ang dredging sa bukana ng Cagayan river ay isa lamang sa mga gagawin sa River Restoration Project.

Nakahanay din ang rehabilitasyon ng mga pampang ng Ilog Cagayan, re-greening at reforestation sa mga watershed areas, flood mitigation programs at economic development sa pamamagitan ng Re-Opening ng Port of Aparri.

Facebook Comments